LARAWAN (DAGLI)

"Ate mayroon bang size 28 nito?" tanong ko sa saleslady. Andito ako ngayon sa mall 
bumibili ng tsinelas, wala kasi akong tsinelas na gagamitin sa bahay dahil kakauwi ko 
lang galing Canada.

"Oy Jennifer! Ikaw ba yan?" sambit ko ng makita ang matalik kong kaibigang matagal ko 
ng hindi nakikita. "Joan? Sis kamusta ka na?" natutuwang sabi nito sabay yakap sa akin. 
"Ito kakauwi ko lang galing Canada" sagot ko. "Parang biglaan naman ata pag-uwi mo?" 
tanong niya. "Nakakamiss ang Pilipinas kaya napagpasyahan kong magbakasyon muna. 
At saka para makasama ko rin pamilya at boyprend ko, matagal-tagal na rin kaming hindi 
nagkikita. Ikaw kamusta ka na?" sagot ko habang nakangiti. “Okey na okey ako sis! Lalo 
na ngayong may boyprend na rin ako" kinikilig na sambit nito sa akin.

Dumating ang saleslady kaya hindi namin naipagpatuloy ang aming pag-uusap kaya 
napagpasyahan na lang naming magkita bukas upang maipapatuloy ang aming 
pagkukuwentuhan at makapag-bonding na rin kaming dalawa.

"Sige sis! Alis na ‘ko may pupuntahan pa kasi ako" paalam ko sa kanya. "Sige, ingat ka! 
Bukas ha? Wag mo kakalimutan" sabi niya sabay beso naming dalawa. "Oo naman!" 
sagot ko at naglakad palabas ng mall.

Kinabukasan. Sa isang restawran namin napag-usapan na magkita ni Jennifer. Pagpasok 
ko ng restawran nandoon na siya nakaupo habang nagtetext. Naisip kong gulatin siya.

"Hoy! Sino yang katext mo!" gulat ko sa kanya sabay hawak sa balikat niya mula sa likod. 
"Sama nito nanggugulat pa! Boyprend ko, nagpapaalam lang ako na magkasama tayo 
ngayon" sabi niya.

Umupo naman ako sa harap niya. Tinawag ko muna yung waiter upang makapag order 
na kami. Habang nagkukuwentuhan kami mayamaya ay dumating na ang aming order.

"Oy kuwentuhan mo naman ako tungkol sa boyprend mo. Ikaw ha! Di mo sinabi sa’kin na 
may boyprend ka na pala" pag-iiba ko naman ng usapan. Kinuwento niya sakin kung 
paano sila nagkakilala ng kanyang boyprend. "Ang sweet niya no? Alam mo ang swerte 
swerte ko sa kanya. Tingnan mo larawan namin, ito siya oh" sabi niya habang nakangiti 
sabay pakita ng larawan nila sa selpon niya.

Pagtingin ko sa larawan nila ay napatulala ako. Hindi ako makagalaw, wala akong 
masabi. Sobrang sweet nila, makikita mo sa mga mata nila na mahal na mahal nila ang 
isa't isa. Naingit ako sapagkat hindi kami ganoon ng boyprend ko. 

"Ikaw naman! Kuwentuhan mo ‘ko tungkol sa boyprend mo" masayang usal nito sa akin.

"Sa kanya mo na lang itanong" turo ko sa lalaking kasama niya sa larawan.